ISRAEL NAGDEKLARA NG DIGMAAN LABAN SA HAMAS
October 10, 2023
TIRSO PAGLICAWAN
Israel nagdeklara ng retalyasyong digmaan laban sa Hamas
Ang Israel ay nagdeklara ng paghihiganting digmaan laban sa Hamas matapos ang walang katulad na sorpresang pag-atake't kalupitan ng Hamas noong Oct 7
Nagsimula na ang Israel sa malawakang opensiba laban sa Hamas ngayong araw pagkaraang bigo ang intelligence network ng gobyerno na matunugan at matugunan ang grabeng banta sa segurided ng bansa na nagresulta sa walang naging mabilisang pangontra sa ginawa ng Hamas na magkakasabay, planado't masusing pinagsanayang militar na pagsalakay sa himpapawid, kalupaan at karagatan (air, land and water strike) sa Israel.
Nitong October 7, 2023, ang mga militanteng grupong Palestino na pinamumunuan ng Hamas ay naglunsad ng malawakang sorpresang invasion o pagsalakay sa loob ng teritoryo mismo ng Israel at nagsagawa ng mga opensibang pag- atake laban sa Israel na mula sa Gaza Strip, winasak nila ang daan sa pamamagitan ng Gaza–Israel barrier at puwersahang pumasok at lumusot sa Gaza border crossing patungo sa Israeli settlements at military installation.
Kahapon, ang Israeli military ay nagsagawa na ng pagsalakay laban sa Hamas kasabay ng pangako at matapang na deklarasyon ni Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu na "walang katulad ang puwersa na gagamitin at gagawing opensiba ng Israel laban sa Hamas."
Isinagawa ni PM Netanyahu ang madamdaming pahayag mahigit 48 oras matapos ang karumaldumal at labis na mapaminsalang nabulagang pag-atake na nagresulta ng pagkamatay ng di bababa sa 900 Israeli.
Bilang retalyasyon, pinaulanan ng Israel ang mga kuta at pinagtataguan ng mga Hamas. Ayon sa ulat ng Gaza health ministry, 680 Palestino ang mga namatay sa ginawang mga airstrike ng Israel.
Ang Hamas naman ay nag-anunsyo na kanilang papatayin ang mga civilian hostage at ibo-broadcast o ipapakita ang kanilang mga gagawing pagpatay sa nasabing mga hostage kapag ang Israel ay gagawa ng pag-atake sa mga tao sa Gaza nang walang babala. lpinahayag nilang mayroong kabuuhang 100 hostage ang nasa kanilang poder kabilang ang ilang Israeli army officer.
Sa kaunay na pangyayari, ipinahayag ni US President Joe Biden na hindi bababa sa 11 Amerikano ang nasawi sa naganap na pag-atake ng Hamas at naniniwala si Pres. Biden na hostage din ang ilan sa kanyang mga kababayan.
Ang Hamas ay isang militanteng Palestinong kilusan na kasalukuyang pinamumunuan ni Ismail Haniyeh.
Base sa online media, mababasa na ang Hamas ay napabalitang madalas na karahasan ang pamanaraan upang diumano ay bigyang-liberasyon ang inookupahang mga teritoryo ng mga Palestino mula sa posesyon o kontrol ng lsrael. Ang Hamas ay nananawagan at nagsasagawa ng mga aktibidades upang magdulot ng kumpletong destruksyon (annihilation) sa Israel upang tuluyang mawala sila. Nagawa ng Hamas ang mga suicide bombings at sa mga nakaraang mga taon ay iniulat na nagpaputok ng libu-libong mga malalakas na rocket galing sa Gaza patungo sa Israel.
Ipinahayag ng Hamas na ang isinasakatuparan nila na mga pag-atake sa lsrael ay upang wakasan na ang may 16-taong blockade o pagsasarado ng Gaza at tapusin din ang brutal na pagtrato sa mga Palestino sa West Bank. (Tirso Nieva Paglicawan)